EDITORYAL — Iba pang ‘big fish’kailan malalambat?
NAKAPIIT na sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City si dating House Speaker Martin Romualdez. Inilipat siya noong Lunes mula sa Philippine General Hospital (PGH) makaraang makita ng mga doctor doon na clinically stable na ang kalagayan nito at hindi na kailangan ng hospitalization. Ang paglilipat kay Romualdez ay utos ng Sandiganbayan.
Inaresto si Romualdez noong Setyembre 7 sa bisa ng warrant na inisyu ng Sandiganbayan para sa P7.44-billion plunder case na isinampa ng Ombudsman dito. Unang na-confined si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center bago nilipat sa PGH.
Ang plunder case ay may kaugnayan sa umano’y kickbacks mula sa flood-control at iba pang government projects. Kasama ni Romualdez na kinasuhan si dating Ako Bicol party-list Zaldy Co na ngayon ay nagtatago sa France. Tumakas si Co noong nakaraang taon bago pa siniwalat ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA ang anomalya sa flood control projects kung saan sinabi niya ang mga katagang “Mahiya naman kayo!” patungkol sa mga kurakot.
Mariin namang pinabulaanan ni Romualdez ang mga paratang at sinabing haharapin niya ang kaso sa korte. Wala umano siyang kasalanan.
Mahalaga ang pagkakakulong ng isang makapangyarihang opisyal habang dinidinig ang kaso. Pero hindi ito dapat ituring na katapusan ng imbestigasyon.
Ayon sa Ombudsman, ang P7.44 bilyong sakop ng kasong naisampa ay umano’y nagmula sa mga contractor at iba pang may interes sa mga proyektong pinondohan sa national budgets mula 2022 hanggang 2025.
Hindi simpleng proseso ang paggalaw ng perang bayan. Sa paglalarawan ng Ombudsman resolution, dumaraan ang mga proyekto mula DPWH proposal, DBM at National Expenditure Program, hanggang deliberasyon sa Kongreso at aktuwal na pagpapatupad at paglabas ng pondo.
Hindi ibig sabihin nito na awtomatikong sangkot ang bawat opisyal o ahensiyang dinaanan ng budget. Pero kung may alegasyon ng sistematikong kickback scheme, dapat siyasatin kung sino ang nagpanukala, nag-apruba, nagpatupad, naglabas ng pondo at tunay na nakinabang.
Lalong mahalaga ito dahil ayon sa Ombudsman resolution, tinatayang P55 bilyon hanggang P56 bilyon umano ang kabuuang perang naihatid mula 2022 hanggang 2025, samantalang P7.44 bilyon pa lamang ang sakop ng plunder na naisampa.
Ang tunay na sukatan ng imbestigasyon ay hindi kung gaano kalaking pangalan o “big fish” ang nakulong. Ito ay kung natunton na ba ang lahat ng sangkot at mga dapat panagutin sa anomalya. Dito makikita ang tunay na hustisya.
- Latest



















