Public school sa Valenzuela, tumanggap ng libreng Wi-Fi at digital learning resources
MANILA, Philippines — Sa inilunsad na programang “Connecting Futures: Free Wi-Fi for Public Schools and Digi-Education for Students and Teachers” ng PhilTower MIDC at Synergeia Foundation, nakatanggap ng libreng Wi-Fi at digital learning resources ang Silvestre Lazaro Elementary School sa Valenzuela City nitong Biyernes.
Nabatid na isa ang Valenzuela City sa 12 local government units (LGUs) na napili bilang unang benepisyaryo ng programa na naglalayong mapalawak ang internet access sa mga pampublikong paaralan, partikular sa mga lugar na limitado ang connectivity. Kabilang din sa iba pang benepisyaryo ang mga LGU sa Cebu, Rizal, Iloilo, Lanao del Norte, Metro Manila, La Union at Bataan.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, bibigyan ang mga napiling paaralan ng Starlink Wi-Fi unit at internet subscription na sagot ng PhilTower MIDC at Synergeia Foundation. Magkakaroon din ng access ang mga mag-aaral at guro sa Digi-Education, isang serye ng digital learning resources na maaaring gamitin bilang dagdag na materyales sa pag-aaral at pagtuturo.
Ani Gatchalian, mahalaga ang internet connectivity sa sektor ng edukasyon dahil nakatutulong ito sa mga mag-aaral na magkaroon ng access sa mga digital learning materials. Pinasalamatan niya ang PhilTower at Synergeia Foundation sa kanilang suporta sa mga pampublikong paaralan ng lungsod.
Ayon sa mga organizer, kabilang sa pamantayan sa pagpili ng unang 12 LGU ang pagiging geographically isolated and disadvantaged area (GIDA), commercial priorities ng PhilTower at mga education partners ng Synergeia Foundation. Layunin ng programa na mapalawak pa ang libreng internet access sa iba pang pampublikong paaralan sa bansa.
- Latest






















