^

Punto Mo

EDITORYAL - Mapaminsalang content ng internet ‘wag hayaang kumalat

Pang-masa

HINDI lahat ng mga bayolenteng content sa internet ay kayang maalis o mabura. Sabi nga sa kasabihan, “Once it’s on the internet, it’s there forever”. Pero hindi ibig sabihin na kailangan pa itong tulungan ng algorithm na kumalat.

Sa senate hearing noong Setyembre 11, iminungkahi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang isang “do not amplify” policy para sa marahas at sexually graphic na content sa social media. Kabilang dito ang hindi pag-autoplay o pagrekomenda ng ganitong videos at pag-demonetize rito o pag-alis ng pagkakataong pag­ka­kitaan ang mga ito.

Napapanahon ang usapin kasunod ng mga insi­dente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang school shooting sa Zamboanga City noong Agosto. Iniulat na nag-livestream pa ang Grade 8 student na sangkot sa insidente.

Pero dapat maging maingat sa pag-uugnay ng kara­hasan sa social media o video games. Hindi sapat ang isang insidente upang sabihing ang napanood o nilaro online ang direktang dahilan ng isang krimen.

Gayunman, may punto ang panukalang huwag i-amplify ang mapaminsalang content. May pagka­ka­iba sa pagitan ng isang video na basta naka-upload sa internet at isang video na mismong platform ang pa­ulit-ulit na inirerekomenda sa users. Kapag mara­ming nanonood, nagko-comment at nagse-share, maaari pa itong itulak ng algorithm sa mas maraming tao.

At kung nakikita ng iba na maaari itong pagkakitaan, nagkakaroon din ng insentibo ang ilan na gumawa ng mas nakagugulat na content para lamang makahakot ng views. Mas malaking problema ito kapag mga bata ang nakakatanggap ng ganitong ma­teryal. Kaya makatwiran ding pag-aralan ang mas mahigpit na age restrictions sa graphic content at dagdag na safeguards sa livestreaming.

Ngunit dapat malinaw ang magiging batas upang maprotektahan ang mga bata nang hindi nauuwi sa malawakang censorship ng lehitimong balita, dokumentaryo o educational content.

Aminado rin ang MTRCB na wala sa kasaluku­yang mandato nito ang online gaming at video games. Kung nais ng Kongreso na papanagutin ang malalaking online platform, kailangan nitong magtakda ng malinaw na obligasyon at limitasyon.

Hindi makakayang gawing malinis ang kasuluk-sulukan ng internet. Pero may simpleng paraan na puwedeng gawin: Kung mapaminsala ang nilalaman, huwag itong hayaang kumalat at huwag pagkakitaan.

MTRCB

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with