P60 wage hike sa NCR, lalarga sa Setyembre 26

MANILA, Philippines — Simula sa Setyembre 26, 2026 makakatanggap ng P60 dagdag sa arawang sahod ang mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nakasaad sa Wage Order NCR-28 na inilathala noong Biyernes at magkakabisa makalipas ang 15 araw, tataas ang minimum wage ng mga manggagawa sa non-agricultural sector mula P695 patungong P755, habang sa agricultural sector ay mula P658 patungong P718.
Inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board – NCR ang wage order matapos dumaan sa itinakdang tripartite na proseso sa pagtatakda ng sahod.
Pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na sumunod sa bagong wage rates sa sandaling magkabisa ang mga ito, at tiniyak sa mga manggagawa na babantayan ng departamento ang implementasyon.
Sa datos ng DOLE, tinatayang 1.1 milyong daily wage earners sa Metro Manila ang makikinabang sa dagdag-sahod.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang purchasing power ng mga manggagawa at isulong ang inklusibong paglago ng ekonomiya.
- Latest




















