Kapitan ng MV June Aster hinahanting

MANILA, Philippines — Patuloy pa ang paghahanap sa nawawalang kapitan ng MV June Aster na pinaniniwalaang buhay at hindi kabilang sa 43 survivor, upang maimbestigahan sa trahedyang sinapit na nag-iwan ng 35 patay, at 54 pa ang nawawala.
Sa press briefing sa punong tanggapan ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Set. 12 sa Maynila, sinabi ni Coast Guard spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na hanggang alas-8 ng umaga ng Sabado ay nasa 43 na ang nasa listahan ng nakaligtas at hindi kabilang si Captain Roel Sarmiento.
Gayunpaman, sinabi ni Cayabyab na ang isang kinatawan mula sa Atienza Interisland Ferries, ang may-ari at operator ng MV June Aster, ay diumano’y nagbigay ng impormasyon na nakaligtas ang kapitan at pumunta kasama ang ilang tripulante sa isang covered court sa Barangay Turda, Coron.
Ayon kay Cayabyab, malaki ang responsibilidad at pananagutan ng kapitan kaya patuloy pa ang pakikipag-ugnayan nila sa Atienza Interisland Ferries upang mahanap ito.
Mahalaga aniya ang magiging salaysay ni Sarmiento para ma-establish ang mga pangyayari at kung anong naging aksyon nito na ibinigay sa mga pasahero at tripulante.
Ang barko ay may kapasidad na 306 pasahero. Nasa manifesto ang 117 pasahero at 17 tripulante, habang ang dalawa ay kinumpirmang hindi nakasakay.
Isang pagsabog umano ang narinig sa cargo deck ng barko bago ang sunog.
- Latest























