Graduating nursing student, pinatay sa sakal ng pinsan!

‘Di nagpautang ng P5K
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 21-anyos na babaeng nursing student na nakatakdang grumadweyt matapos sakalin ng sariling pinsan dahil lang sa hindi nito pinautang ng halagang P5,000 sa San Antonio, Nueva Ecija noong Linggo.
Kinilala ni P/Major Ernesto Esguerra, hepe ng San Antonio Municipal Police ang biktima na si Ann Pauline Fajardo, dalaga, 4th year nursing student ng Wesleyan University-Philippines (WUP) sa Cabanatuan City at residente ng Brgy. Sto. Cristo, San Antonio, Nueva Ecija.
Agad namang naaresto at nahaharap sa kasong murder ang 27-anyos na suspek, negosyante at umano’y second cousin ng biktima.
Sa imbestigasyon ng San Antonio Police, noong Setyembre 6 ay pinuntahan ng suspek ang biktima sa kanyang tahanan upang maghiram ang una ng P5,000.
Tumanggi ang biktima na pahiramin ang pinsan kaya nauwi ito sa kanilang pagtatalo. Dito na sinaktan at sinakal ng suspek ang biktima hanggang sa mawalan ng hininga.
Matapos mapatay, pinuluputan ng suspek ng kumot ang leeg ng biktima, dalawang beses na itinali nang mahigpit, at ikinabit ang kabilang dulo ng kumot sa balangkas ng kama upang magmukhang nag-suicide ang dalaga.
Bago tumakas, kinuha pa ng suspek ang mamahaling cellphone ng biktima.
Lumalabas na mag-isa lang sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente, dahil nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanyang ina habang ang kanyang kuya isang seaman at nasa ibayong dagat, at ang kanyang tatay ay yumao na.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, una nilang inakala na “suicide” ang insidente pero napansin ang mga marka ng pisikal na pananakit sa katawan ng biktima kaya isinailalim ito sa awtopsya at dito na natukoy na pinatay sa sakal.
Natunton naman ng pulisya ang suspek sa pamamagitan ng paggamit ng “Find My Cellphone” feature sa nawawalang iPhone16 Plus ng biktima na tinangay ng suspek.
Sa extrajudicial affidavit confession, inamin ng suspek na responsable siya sa pagkamatay ng biktima.
Lumabas sa autopsy report na ay “asphyxia by strangulation” o pagkakasakal ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Mariing kinondena ng WUP ang malagim na sinapit ng kanilang mag-aaral at sinabi na ang biktima ay isang “promising future nurse”, mabuting kaibigan at anak sa kanyang mga magulang.
- Latest
















