Bakit walang brown rice sa mga restawran?
Puti ang kanin na karaniwang nakikita at nabibili sa halos lahat ng kainan sa ating bansa restawran, fast food, school at office canteen, food court, karinderya, turo-turo at maging sa maliliit na tindahan ng lutong pagkain sa mga barangay at sa bangketa. Puti ang kanin, mura man o mahal ang pagkain, lokal man o imported ang bigas at kahit sa mga kainan na nag-aalok ng unli rice.
Pero bakit halos wala kang makikitang brown rice?
Hindi naman lihim na mas maraming fiber at ilang bitamina at mineral ang brown rice. Ang white rice ay refined grain. Para sa mga nag-iingat sa kanilang blood sugar at sa kanilang pagkain, mas mainam na pagpipilian ang whole grains kaysa sa refined grains. Hindi ibig sabihin nito na ang pagkain ng white rice ay awtomatikong magdudulot ng diabetes o sakit sa puso. Ang mahalaga ay ang kabuuang pagkain, dami ng kinakain at pamumuhay.
Kaya kung may mga taong umiiwas o nagbabawas ng white rice, natural lamang na hanapin nila ang brown rice kapag kumakain sa labas. Ang problema, saan sila bibili?
Dito sa atin, mas madali pang makahanap ng iba’t ibang klase ng kaning puti kaysa sa totoong brown rice. May Java rice, garlic rice, fried rice, Yang Chow, chao fan, Spanish rice at iba pang espesyal na kanin. Pero wala o bihira ang brown rice bilang alternatibo sa regular na kanin.
Maaaring isa sa mga dahilan ang gastos at operasyon sa kusina. Mas matagal lutuin ang tradisyonal na brown rice kaysa white rice. Maaari itong maging problema sa mga kainan na kailangang mabilis ang paghahanda at tuluy-tuloy ang serving. Mayroon namang quick-cooking at precooked brown rice, kaya hindi rin imposibleng ihain ito sa mga commercial kitchen.
Tungkol naman sa presyo, maaaring sabihin ng mga restaurant na mas mahal ang brown rice. Pero hindi na rin naman mura ang magandang klase ng puting bigas. Kung may kustomer na handang magbayad nang kaunti para sa mas masustansiyang alternatibo, bakit hindi siya bigyan ng pagpipilian?
Sa ilang food establishment, may mga kaning kulay brown o malapit sa brown na maaaring hindi naman tunay na brown rice. Maaaring ordinaryong white rice na nilagyan ng toyo o ibang pampalasa at sangkap para magkaroon ng kulay. Hindi naman masama ang gayong kanin kung iyon talaga ang recipe ng pagkain. Pero kung ang kustomer ay partikular na naghahanap ng brown rice dahil gusto niya ng whole grain, ibang usapan iyon.
Baka panahon nang magkaroon ng simpleng dagdag na pagpipilian ang mga kainan: regular white rice o brown rice.
Hindi naman kailangang palitan ang puting kanin. Marami pa ring Pinoy ang gusto iyon at walang masama sa pagkain nito bilang bahagi ng balanseng pagkain. Kailangan lang merong ibang mapagpipilian. Kung kaya ng isang restaurant na maghanda ng limang klase ng fried rice, bakit hindi nito kayang maghanda ng isang kaldero ng totoong brown rice?
•••••
Email — rmb2012x@gmail.
- Latest















