5 ‘Akyat-Bahay’ tiklo sa tinangay na bike

Binebenta ng P200K sa Facebook
MANILA, Philippines — Limang miyembro ng ‘akyat-bahay’ ang nadakip matapos ialok sa social media ang ninakaw na tatlong road bike na nagkakahalaga ng P200,000 sa isang bodega sa Barangay Bahay Toro, Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) acting district director, PBGen Christopher Olazo, ang mga nadakip na suspek ay kinilala sa mga alyas “Migs,” 29; “Nel,” 28; “Carl,” 34; “Rends,” 47, at “Jon,” 28, pawang mga residente ng Barangay Bahay Toro, Quezon City. Sa ulat ni PLt. Col. Bryan Angelo Pajarillo, hepe ng Project 6 Police Station (PS-15), natuklasan ang insidente alas-4:00 ng madaling-araw noong Setyembre 4, sa isang bahay sa Jersey St., Barangay Bahay Toro.
Sapilitang binuksan umano ng mga suspek ang bubong na yero ng bodega ng biktima at kinuha ang ilang mga gamit bago tumakas sa lugar.
Kalaunan, nakita ng biktima ang isang Facebook post na in-upload ng isang nagngangalang “Nguyen,” kung saan inaalok umano para ibenta ang tatlo sa kanyang mga ninakaw na road bike kaya agad ini-report sa PS-15. Agad namang kumilos ang mga operatiba ng PS-15 na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek bandang alas-3:00 ng hapon sa Seminary Road, sa tapat ng Quezon City General Hospital, Barangay Bahay Toro, Quezon City.
Nabawi mula sa mga suspek ang tatlong road bike na umabot sa halagang P200,000 na nahaharap sa kasong robbery.
- Latest


















