Pag-aresto sa Kasibu anti-mining protesters, makatarungan ba?
Bukod sa mga lugar na nalubog sa tubig baha dahil sa habagat, nag-viral din sa social media ang naganap na tensyon sa Kasibu, Nueva Vizcaya matapos na pag-aarestuhin ang mga residente na tumututol sa pagtatayo ng minahan sa kanilang lugar sa marahas na “dispersal operation” ng pulisya.
Kasabay ng pagbaha sa Metro Manila, busy naman ang mga pulis sa Kasibu sa pakikipagbuno sa mga residente kabilang ang mga matatanda at kababaihan na nagsagawa ng “human barricade” upang mariing tutulan ang isang mining exporation project na magiging panganib umano sa mahahalagang watershed, at sa komunidad.
Unang inaresto ang tatlong protesters nang tangkain nilang harangin ang sasakyan na maghahatid ng gasolina na ineeskortan pa umano ng mga pulis patungo sa exploration site para sa makinarya ng tinututulang mining firm.
Dahil sa insidente, lalong nagkapit-bisig ang mga katutubong Bugkalot-Ilongot sa barikada laban sa operasyon ng mining firm na North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC).
Kasunod nito, nasorpresa ang mga katutubo nang biglang sumugod ang mga pulis sa barikada sanhi ng tensyonadong standoff. Bagama’t ipinatutupad ng PNP ang “maximum tolerance” sa mga rally, kita sa video kung paano paghihilahin, kaladkarin at posasan ng mga pulis ang mga matatanda, habang nagmamakaawa at umiiyak ang mga kababaihan. Dito, nasa 13 ang sinasabing dinakip at 11 ang nakasuhan sa marahas na dispersal.
Dahil sa insidente, naputakte ng komento ang mga pulis at sa galit ng mga netizens ay naitanong nila kung makatuwiran o makatarunangan ba ang ginawa ng mga pulis, at mayroon bang nasa likod nito? May nabayaran ba? Sinasabing maging ang pumapagitna sa standoff na si SB Glen Guingayan ay nahila ng mga pulis.
Kahapon nakalabas na rin sa piitan ang tinaguriang “Kasibu 11” matapos makapagpiyansa, pero sa kabila ng nararanasan na anila’y panggigipit, tuloy ang kanilang pagkilos laban sa malakihang pagmimina dahil sa kawalan ng sapat na konsultasyon sa komunidad.
Ang planong gold at copper exploration project ng NCLRC ay sumasaklaw umano ng 4,000 ektaryang lupain sa Nueva Vizcaya.
- Latest




















