Mojdeh, Quinto, Maligat itinanghal na MOS sa Bangkok

MANILA, Philippines — Tatlong swimmers ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) ang itinanghal na Most Outstanding Swimmer (MOS) sa kani-kaniyang dibisyon sa 3rd Asian Open Schools Invitational (AOSI) Short Course Swimming Championships na ginanap sa Assumption University Aquatics Center Suvarnabhumi sa Bangkok, Thailand.
Nasa unahan ng listahan si La Salle Green Hills standout Behrouz Mohammad Madi Mojdeh na nakalikom ng 300 puntos para masungkit ang MOS award sa boys’ 15-year division.
Winalis ni Mojdeh ang lahat ng anim na events nito na tinampukan pa ng dalawang bagong rekord sa 200m Individual Medley (2:12.31) at 200m breaststroke (2:26.53).
Hataw rin si Mojdeh ng ginto sa 200m backstroke, 200m butterfly, 100m butterfly at 200m freestyle events.
Magandang panalo ito para kay Mojdeh na naghahanda para sa 2026 season ng NCAA swimming tournament gayundin sa 48th Southeast Asian Age-Group Championships na gaganapin sa huling bahagi ng taon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Masaya ako sa magandang results ko dito sa tournament na ito pero hindi pwedeng tumigil. Kailangan ko pang mag-training para mas mapaganda ko pa lalo yung mga times ko,” ani Mojdeh.
Nakasiguro rin ng MOS award si La Salle Zobel tanker Therese Annika Quinto na umukit ng anim na gintong medalya sa girls’ 15-year class.
Nakaginto si Quinto sa 50m freestyle, 100m freestyle, 50m backstroke, 100m backstroke, 50m butterfly at 100m IM para masiguro rin ang matamis na sweep sa lahat ng kaniyang anim na events para sa 300 puntos.
Pumangalawa sa kanya bilang MOS sa girls’ 15-year category ang La Salle Zobel teammate na si Clara Maligat na may tatlong individual gold medals tampok ang isang bagong rekord kasama pa ang tatlong pilak.
Nakalikom ito ng 222 puntos.
Kumana ng bagong rekord si Maligat sa 200m butterfly sa bilis na 2:31.68 habang nakaginto rin ito sa 25m butterfly, 100m butterfly, at pilak sa 100m freestyle, 50m butterfly at 200m freestyle.
“?To the second gen of our Behrouz Elite Swim Team: you made something beautiful this weekend. Mark this as the start of something exciting,” ani BEST team manager Joan Mojdeh.
“Do not stop working. You are on the right path, you are just getting started, and there are still so many things to discover. Keep grinding—we are always here to support you guys all the way,” dagdag nito.
- Latest























