^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Kaligtasan ng mga mamamahayag

Pilipino Star Ngayon

NOONG Linggo (Agosto 30), ginunita ang National Press Freedom Day, isang pagkakataon upang kilalanin ang mahalagang papel ng malayang pamamahayag. Kasabay nito, nag­bigay ng paalala ang Commission on Human Rights (CHR): nananatiling seryoso ang mga banta sa press freedom sa bansa.

Sa kabila nito ay may magandang balita. Uma­ngat ang Pilipinas mula ika-116 ranking noong 2025 patungong ika-114 sa 2026 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders. Pero sapat na ba ang dalawang puwestong pag-angat para sabihing mas malaya at ligtas na ang pamamahayag sa bansa?

Ayon sa CHR, nariyan pa rin ang karahasan, intimidation, red-tagging at kawalan ng pana­na­­gutan sa mga krimeng ginagawa laban sa media workers. Ito ang mas mahalagang sukatan­ kaysa ranking. Ang tunay na press freedom ay hindi lamang pagkakaroon ng maraming TV station, diyaryo, website o mamamahayag na ma­la­yang nakapagsusulat. Dapat kaya rin nilang gawin ang kanilang trabaho nang hindi nata­takot na pagbantaan, kasuhan o saktan dahil lamang sa kritikal na pagbabalita. Partikular na binanggit ng CHR ang red-tagging sa mga journalist na nag-uulat tungkol sa mga polisiya at programa ng gobyerno. Nanawagan din itong i-decriminalize ang libel at cyberlibel upang hindi magamit ang criminal prosecution bilang banta sa pamamahayag.

May bago pang hamon. Ayon sa CHR, maaari na ring gamitin ang artificial intelligence o AI at digital technologies para sa surveillance ng journalists, paglantad sa kanilang sources at pagpapakalat ng disinformation. Ibig sabihin, nadagdagan ang mga banta kaya dapat dagdagan din ang proteksyon sa mga mamamahayag.

Hindi rin sapat na magkaroon lamang ng task force o mekanismo para sa media security. Mahalaga ang mabilis na imbestigasyon at higit sa lahat, pananagutan. Kapag walang napaparusahan sa pagpatay, pagbabanta o harassment sa mamamahayag, nananatili ang mensahe na maaari itong gawin nang paulit-ulit.

At hindi lamang journalists ang nawawalan kapag humihina ang press freedom. Ang ma­la­yang pamamahayag ang tumutulong sa publiko na malaman kung paano ginagastos ang kanilang buwis, kung may katiwalian sa gobyerno, at kung nagsasabi ba ng totoo ang mga nasa kapangyarihan.

Magandang makita ang Pilipinas na umaa­ngat sa international ranking. Pero huwag nating ipagkamali ang dalawang puwestong pag-angat bilang tagumpay na ng press freedom.

Dahil ang tunay na sukatan ay hindi kung pang-ilan tayo sa listahan, kundi kung gaano kalaya at kaligtas ang isang mamamahayag na magsabi ng katotohanan.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with