9K silid-aralan, winasak ng habagat
MANILA, Philippines —Mahigit sa 9,800 silid-aralan ang nawasak bunsod ng habagat na pinalakas ng sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Sa pinakahuling situation report ng Department of Education, hanggang 8am nitong Linggo, kabuuang 9,869 ang napinsalang paaralan sa bansa.
Sa naturang bilang, 5,731 silid-aralan ang nagtamo ng minor damage; 2,055 major damage, at 2,083 totally damaged.
Ang Central Luzon ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga apektadong paaralan na nasa 3,732 silid-aralan; na sinundan ng Region I na nasa 2,746 at Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 1,266.
Sa pagtaya ng DepEd, aabot sa P280 milyon ang pondong kakailanganin nila para sa pagsasagawa ng minor repairs; P1 bilyon sa major repairs, at P5.2 bilyon sa rekonstruksiyon.
Mayroon ding 59 paaralan ang nakaranas ng mga pagbaha kabilang ang 47 sa Central Luzon. Nasa 1,309 silid-aralan naman mula sa 348 paaralan ang patuloy pa ring ginagamit bilang evacuation centers ng nasa 11,320 pamilya.
- Latest















