Mag-utol na paslit patay sa sunog

Kandila napabayaan
MANILA, Philippines — Nasawi ang magkapatid na menor-de-edad matapos matagpuan ang kanilang mga bangkay sa loob nang nasunog nilang bahay sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga biktima sa mga alyas na “NTEH,” 6-anyos na lalaki, at “NTLH,” 7-anyos na babae, kapwa residente ng nasabing barangay.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog dakong alas-10:30 ng gabi noong Agosto 29 sa isang bahay sa kanto ng Don Jose at Samat Streets.
Batay sa imbestigasyon ni SFO1 Richard Caramat ng Quezon City Fire District, natutulog ang lolo ng mga bata na si alyas “Andy” nang magising dahil sa usok. Agad siyang humingi ng tulong at nakalabas sa pamamagitan ng fire exit.
Natukoy na nagmula ang apoy sa silid ng magkapatid na nasa ikalawang palapag. Hinihinalang sanhi nito ang naiwan umanong nakasinding kandila, ngunit patuloy pa ring iniimbestigahan ang pinagmulan ng sunog.
Nakontrol ang apoy ala-1:31 ng madaling araw at tuluyang naapula alas-3:06 ng umaga nitong Linggo. Tatlong bahay ang nadamay sa insidente habang walong katao ang nasugatan at dinala sa Quezon City General Hospital para sa agarang lunas.
Isinailalim naman sa pagsusuri ng SOCO Team ng QCPD Forensic Unit ang mga labi ng magkapatid at nakita ang matinding pinsala dulot ng sunog.
- Latest

















