11 nasawi sa leptospirosis sa Maynila
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na 11 na ang kumpirmadong nasawi sa leptospirosis sa lungsod sa loob lamang ng isang lingo.
Batay sa pinakahuling datos ng Manila Health Department (MHD), dalawa sa mga nasawi ang naitala noong Agosto 28, isa noong Agosto 24, tig-dalawa noong Agosto 25 at 26, at apat noong Agosto 27—ang pinakamataas na bilang sa isang araw sa nasabing panahon.
Kasunod nito, muling nagbabala si Domagoso sa mga residenteng na-exposed sa baha na huwag balewalain ang mga posibleng sintomas ng leptospirosis, kabilang ang lagnat, pananakit ng katawan, pamumula ng mata, pagsusuka at matinding panghihina.
Hinimok ng alkalde ang mga nakararanas ng naturang sintomas na agad magpakonsulta sa doktor upang maiwasan ang paglala ng kondisyon. Aniya, mahalagang maagapan ang sakit lalo na sa mga residenteng nalusong o na-exposed sa baha.
Ayon kay Domagoso, maaaring magtungo ang mga residente sa 44 Manila Health Centers at pitong ospital na pinamamahalaan ng pamahalaang lungsod para sa konsultasyon at iba pang serbisyong pangkalusugan.
- Latest





















