Uzbeks unang susubok sa Filipinas sa Asiad
MANILA, Philippines — Kaagad makakatapat ng Philippine national women’s football team ang Uzbekistan sa kanilang unang pagsalang sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Lalabanan ng Filipinas ang mga Uzbeks sa Setyembre 14 sa una nilang laro sa Group G kasunod ang Hong Kong sa Setyembre 17 at ang China sa Setyembre 21.
Gumawa ng kasaysayan ang mga Pinay booters sa pagkopo sa kauna-unahang women’s football gold medal sa nakaraang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.
At ito ang gagamitin nilang motivation sa kampanya sa Aichi-Nagoya Asiad, ayon kay Australian coach Mark Torcaso.
“It’s as important as the Southeast Asian Games (where) we won gold. Our opportunity to win a medal or to go as far as possible is a reality here as well,” wika ni Torcaso.
Noong Hunyo ay nagsagawa ang koponan ng dalawang tune-up games sa US laban sa San Diego Wave at Albon San Diego.
Ang Aichi-Nagoya Asiad ay bahagi ng paghahanda ng Filipinas para sa prestihiyosong 2027 FIFA Women’s World Cup na gaganapin sa Brazil.
Tinalo ng Filipinas ang Uzbekistan, 2-0, mula sa mga second-half goals nina Angela Beard at Jaclyn Sawicki sa AFC Women’s Asian Cup sa Australia noong Marso 19 para makakuha ng tiket sa 2027 World Cup.
Naglabas na ang Filipinas ng kanilang 23-person pool para sa Aichi-Nagoya Asiad na pinamumunuan nina Beard, Sawicki, Dionesa Tolentin, Isabella Pasion, Hali Moriah Long, Kaya Hawkinson at goalkeeper Olivia Alexandra McDaniel.
- Latest



















