Bakit may kabataang nagiging marahas?
Maraming maaaring dahilan kung bakit natututo at lumalaking marahas ang isang kabataan. Sa murang edad, nagagawa na nilang manakit ng ibang tao o saktan ang kanilang sarili. May mga tahimik at laging nag-iisa na maaaring may kinikimkim na galit, sama ng loob o matinding problema.
May impluwensiya sa kanilang paglaki ang pamilya, eskuwelahan, kapaligiran at mga bagay na kanilang nakikita, naririnig at nararanasan. Noong araw na hindi pa laganap ang internet at social media, ang mga laruang baril-barilan, mararahas na pelikula at programa sa telebisyon ang ilan sa mga madalas sisihin kapag may kabataang nagpapakita ng marahas na pag-uugali.
Ngayon ay nadagdagan ito ng mga bagay tulad ng video games, social media at mga chatbot. Gayunman, milyun-milyong kabataan ang naglalaro ng video games at nanonood ng mararahas na pelikula ngunit hindi naman sila nagiging marahas.
Mas mahalagang tingnan ang pinagsama-samang karanasan ng isang kabataan. Halimbawa, ang isang batang nakararanas ng bullying, may problema sa pamilya, walang mapagsabihan at napapaligiran ng mga kaibigang marahas ay maaaring magkaroon ng mas malaking panganib na magpakita ng agresibong pag-uugali.
Hindi lahat ng batang nakakakita o nakakahawak ng baril ay gagamit nito sa krimen. Ngunit kapag madaling makuha ng isang kabataan ang isang tunay na armas, maaaring lumaki ang panganib ng aksidente, pananakit o iba pang marahas na insidente.
Hindi rin dapat sisihin agad ang teknolohiya sa bawat insidente ng karahasan. Ang cellphone, video game, social media o chatbot ay mga kasangkapan lamang. Kailangang alamin kung ano ang pinagdaanan ng isang kabataan. May problema ba sa pamilya o sa eskuwelahan? Biktima ba siya ng bullying? May matinding sama ng loob ba? May kaibigan bang nagtutulak sa kaniya sa maling gawain? May taong handang makinig sa kaniyang mga problema?
Hindi rin kailangang hintayin na magkaroon ng krimen bago pansinin ang pagbabago sa isang bata. Ang biglaang pagiging agresibo, paulit-ulit na pagbabanta, matinding galit, pagkahilig sa karahasan, problema sa pakikisalamuha o pagbanggit ng pananakit sa sarili o ibang tao ay mga senyales na dapat seryosohin.
Hindi nangangahulugan na magiging marahas na agad ang isang kabataang nagpapakita ng mga ganitong senyales. Ngunit maaaring kailangan niya ng higit na atensiyon, paggabay at tulong.
Ang karahasan ng kabataan ay hindi simpleng produkto ng isang video game, pelikula, social media o chatbot. Kadalasan, maraming salik ang nagsasama-sama pamilya, kaibigan, kapaligiran, personal na karanasan at paraan ng pagharap sa mga problema.
Kung minsan, bago pa man maging marahas ang isang kabataan, may mga senyales na siyang ipinakikita. Ang problema, baka walang nakikinig sa kaniya.
••••
Email-[email protected]
- Latest















