^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Nasaan ang ebidensiya?

Pilipino Star Ngayon

SA panahon ngayon, hindi lang social media post, edited video, o troll account ang pu­wedeng magpakalat ng kasinungalingan.

Mas delikado kapag ang maling impormas­yon ay nakapaloob na sa isang affidavit at bini­bigkas pa sa harap ng Senado.

Ito ang problemang muling lumitaw matapos bawiin ni Orly Guteza ang nauna niyang testimonya laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Si Guteza ay dating aide ni dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na nahaharap sa multimilyong kaso ng maanomalyang flood control projects sa Naujan, Oriental Min­doro. Bukod sa Naujan, marami pang anomal­yang hinaharap ang dating mambabatas. Hindi pa naaaresto si Co hanggang sa kasaluku­yan. Palaisipan kung bakit “madulas” si Co.

Matatandaan na ipinakita ni Co ang video ng mga maleta na pinaglagyan umano ng perang­ idiniliber ng aide na si Guteza sa Mala­cañang at Forbes Park. Si Guteza ay lumutang maka­raang makipag-ugnayan kina Sen. Rodante Mar­coleta at dating mambabatas Mike Defensor.

Sa kanyang bagong affidavit, sinabi ni Gu­teza na wala siyang personal na kaalaman sa umano’y cash deliveries at na-pressure umano­ siyang magsalita, kapalit ng pangakong pera at scholarship para sa kanyang mga anak.

Dito nagiging mahalaga ang pananagutan. May umiiral nang batas laban sa perjury.

Sinabi ni Sen. Ping Lacson na maaari ring managot ang mga taong nang-uudyok o pu­mi­pilit sa iba na magsinungaling sa ilalim ng panunumpa.

Para sa kanya, problema rin ang mahina nitong pagpapatupad.

Kung mapatutunayang may taong nagbabayad, nananakot, o nangangako ng pabor kapalit ng maling testimonya, hindi lang ang testigo ang dapat managot.

Mas mahalagang habulin ang mga taong gumagawa ng script at ginagawang sandata sa pulitika ang sinumpaang salaysay.

Dahil kapag ang affidavit ay nabibili, nawa­wala ang tiwala ng publiko hindi lamang sa testigo kundi pati sa Senado, Ombudsman, at mismong proseso ng paghahanap ng kato­tohanan.

Sa panahon ng disinformation, hindi sapat na marinig ang salitang “under oath.”

Ang tanong pa rin ay simple: nasaan ang ebidensiya?

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with