Ina, 2 anak natagpuang patay sa sasakyan

May mga tama ng bala sa ulo…
MANILA, Philippines — Kapwa natagpuang patay ang isang babae at dalawa niyang paslit na anak sa loob ng isang sasakyan sa Bgy. Talacsan, San Rafael, Bulacan, nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Margie Rose Macalinao, 31; at mga anak na sina Jaesen Matthew, 9; at Jaezel Margarette, 4.
Sa inisyal na ulat ng San Rafael Municipal Police Station, bandang alas-2:00 ng madaling-araw ng makita ang isang Toyota Avanza kulay silver na may plakang NKG 3374 na nakaparada sa liblib na lugar at alas-2:11 ng hapon nang iulat ito sa pulisya.
Nang respondehan ng mga awtoridad ang lugar ay nakita ang bangkay ng mag-iina na magkakatabing nakahiga sa backseat ng sasakyan.
Bago ito ay iniulat umano ng live-in partner ni Margie Rose at ama ng dalawang bata na si Francisco Vicho y Galvez na huling nakita ang kanyang mag-iina, alas-5:00 ng hapon noong Agosto 19.
Kasunod nito, nagpalabas ang pulisya ng flash alarm para sa mga natagpuang biktima.
Patuloy naman ang pagsusuri ng mga operatiba at patrol personnel sa mga CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang sanhi ng pagkamatay at motibo sa insidente.
Hinala ng pulisya na mismo ang ina ang bumaril sa kanyang dalawang anak bago ito nagbaril sa sarili at inaalam pa ang motibo sa pagpatay.
- Latest
















