‘Robin Padilla Law’ ibasura - DILG

Krimen tumaas
MANILA, Philippines — Umapela si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na ipawalang-bisa ang Republic Act No. 8294 o tinaguriang “Robin Padilla Law” at muling gawing non-bailable ang illegal possession of firearms.
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Remulla na nakadagdag umano sa pagtaas ng krimen ang pagiging bailable ng possession of loose firearms kaya naman nais niyang maibalik ito sa non-bailable offense.
“We went through the numbers: 98% of gun crimes are committed with loose firearms,” ani Remulla.
Batay sa kasalukuyang batas kasi, maaaring makapagpiyansa ang sinumang magmamay-ari ng loose firearm na posibleng magamit sa iba’t ibang krimen.
Paliwanag ni Remulla, kasunod ito ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School kung saan binaril at napatay ng isang Grade 9 student ang isang Grade 10 student. Kalaunay nagbaril sa sarili ang suspek nitong Martes ng umaga.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ginamit ng suspek ang .40 at 9mm pistols na pag-aari ng kanyang ama na isang Bureau of Customs employee.
Binigyang-diin din ni Remulla ang pangangailangang papanagutin ang mga gun owner na hindi maayos na nag-iingat ng kanilang mga baril. Aniya, dapat may pananagutan ang may-ari kapag napunta sa kamay ng iba ang baril dahil sa kapabayaan.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente habang isasailalim sa digital forensic investigation ang gadgets nito upang matukoy ang posibleng motibo sa krimen.
Paliwanag ng kalihim, hindi na inspeksyon ang baril na ginamit ng suspek dahil inihatid ito ng driver lulan ng sasakyan ng ama at nag-livestream pa nang ginawa ang pamamaril sa website na “watchpeopledie.com.”
- Latest




















