JBM Patrol System, bagong sandata ng PNP
Hindi lamang dagdag na presensya ng pulis sa lansangan ang layunin ng inilunsad na JBM Patrol System ng Police Regional Office 3 (PRO3), kundi ang pagbuo ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng kapulisan at komunidad upang mas maagap na maiwasan ang krimen.
Agosto 12, 2026 nang ilunsad ni PRO3 Regional Director PBGen. Jess B. Mendez, inilunsad ang Joint Police and Barangay Peacekeeping Action Teams Mobilization Toward Crime Prevention and Detection in Central Luzon sa Angeles City Police Office Covered Court sa Barangay Sto. Domingo, Angeles City.
Pinagsasama ng programa ang lakas ng mga pulis, Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), mga opisyal ng barangay, lokal na pamahalaan, Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang katuwang sa komunidad upang maging mas mabilis at organisado ang pagtugon sa mga isyu sa seguridad.
Naniniwala si Gen. Mendez na ang pagpapatrolya ang nagsisilbing gulugod ng serbisyo ng pulisya dahil dito nagiging mas nakikita ang presensya ng mga awtoridad at mas nagiging malapit ang ugnayan sa mga mamamayan.
Sa pamamagitan ng magkasanib na patrol, palitan ng impormasyon, at koordinasyon sa mga barangay, inaasahang mas madaling matutukoy ang mga posibleng banta sa kapayapaan at kaayusan bago pa ito lumala.
Ngunit higit pa sa rami ng mga nagpapatrolya ang tunay na sukatan ng tagumpay ng JBM Patrol System. Ang mahalaga ay kung ilang krimen ang napigilan, gaano karaming komunidad ang naprotektahan, at kung gaano kalakas ang tiwala ng publiko sa kapulisan.
Ika nga ni Gen. Mendez, gusto niyang makita ng mga mamamayan ang kanilang pulis, makilala ang kanilang pulis, at magtiwala sa kanilang pulis.
Sa ilalim ng programa, patuloy na ilalapit ng PRO3 ang serbisyo ng pulisya sa mga komunidad bilang bahagi ng layunin ng PNP na magkaroon ng mas mabilis, tapat, at nararamdamang serbisyo para sa bawat mamamayan ng Central Luzon.
- Latest


















