P125 milyon: ‘Utos ni Sara’
Kung binaha tayo ng habagat noong Lunes, ang Senado naman ay binagyo ng katotohanan.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nakasentro sa kanyang kuwestiyunableng P125 milyon na confidential funds na inubos lamang sa loob ng 11 araw, may testigong nagsabi: “Utos ni Ma’am Sara.”
Ayon kay Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta, siya raw mismo ang nag-withdraw ng milyon-milyong piso sa Landbank. Isinilid daw niya ang pera sa apat na malalaking traveling bag. Pagkatapos, personal siyang inutusan ni Sara na agad i-release ang P125 milyon kay Col. Raymund Dante Lachica, commander ng Vice Presidential Security and Protection Group.
Sambit ni Acosta, hindi naman daw niya ibibigay ang P125 milyon kay Lachica kung walang utos ng Bise Presidente. Oo nga naman. Hindi barya ang perang pinag-uusapan. Hindi ito sukli sa pampasaherong jeep.
Ibinigay diumano ang milyones kay Lachica dahil ito raw ang magpapatupad ng confidential operations. Ngek! Si Acosta ang disbursement officer. Bakit niya ipapasa ang responsibilidad sa iba? Palusot ni Acosta, si Lachica raw ang eksperto sa confidential operations. Pero ayon sa prosecution team, nakapagtataka na ni minsan ay hindi diumano lumitaw ang pangalan ni Lachica sa mga liquidation report na isinumite sa Commission on Audit (COA). Bukod dito, ipinagbabawal ang pag-transfer ng cash advance mula sa isang accountable officer sa isa pa.
Sa pagdinig noong nakaraang linggo, iginiit ni Senator Imee Marcos kay COA State Auditor Roderick Wamil na ang SDO ang accountable officer para sa cash advance. Pero sinoplak siya ni Wamil. Giit nito, ayon sa Joint Circular No. 2015-01, hindi lamang ang SDO ang may pananagutan kundi maging ang head of agency.
At ayon na nga. Inamin ni Acosta na ang nag-utos sa kanya ay si Sara. Dahil sa kanyang confession, lumalabas na ang pananagutan ay nasa Bise Presidente, hindi lamang sa kanyang mga alipores. Huli ka, ‘day!
“Utos ni Sara.” Itatak natin sa ating isipan ang tatlong salitang ito.
Dahil sa utos ni Sara, may P125 milyon na inubos lamang sa loob ng 11 araw. Dahil sa utos ni Sara, nawala sa taumbayan ang milyon-milyong pisong nagamit sana sa panlipunang serbisyo. At dahil si Sara ang nag-utos, siya ang pangunahing dapat managot.
- Latest


















