Metro Manila lubog muli sa baha
Sa pananalasa ng habagat
MANILA, Philippines — Muli na namang pinerwisyo ang mga motorista at mananakay ng mga pagbaha sa Metro Manila dulot nang malalakas na pagbuhos ng ulan sanhi ng southwest monsoon rains o habagat nitong Lunes.
Sa pinagsamang monitoring ng Office of Civil Defense-National Capital Region (OCD-NCR) at Metro Manila Development Authority (MMDA), sa Buendia sa panulukan ng Osmeña sa Makati City ay nagkabuhul-buhol ang trapiko.
Naipit ang ilang commuter sa center island ng Gil Puyat Avenue at Osmena Highway sa Makati City dahil sa tubig baha sa lugar habang napilitan naman ang maraming mga commuters na lumusong sa baha para makapasok sa trabaho.
Sa bahagi ng Makati Central Fire Station sa Mayapis St. sa kanto ng Sen. Gen. Puyat Avenue ay baha rin habang hindi naman makapasok ang ilang mga sasakyan patungo sa komersiyal na distrito ng Makati dahil sa binahang lugar.
Gayundin sa Edsa Magallanes Service Road ay dumanas din ng mga pagbaha na hindi madaanan ng mga behikulo.
Base pa sa ulat dakong alas-8:11 ng umaga ay baha sa kahabaan ng Edsa Roxas Northbound, Blvd., Andrews Avenue sa panulukan ng Aurora Boulevard Northbound; pawang sa Pasay City na nasa gutter ang lalim na nadadaanan naman ng lahat ng uri ng mga behikulo.
Sa Taguig City, baha rin sa Chino Roces Avenue, nasa 8 gutter deep na nadadaanan naman ng mga behikulo; East Service Road Southbound sa tabi ng PNR Nichols na hanggang tuhod ang baha at hindi madaanan ng maliliit na behikulo.
Sa Mandaluyong City, baha rin sa Edsa Ortigas Interior Southbound; Boni Avenue sa panulukan ng F. Ortigas St., na hanggang tuhod ang baha.
Binaha rin ang Maynila na kinabibilangan ng Padre Faura, Taft Avenue, P. Ocampo, at Roxas, Quirino Avenue sa panulukan ng Taft Avenue, sa may Vito Cruz, pawang umabot sa 8 gutter deep ang baha.
Naiulat din ang mga pagbaha sa bahagi ng Quezon City na kinabibilangan ng E. Rodriguez, Araneta Avenue na hindi nadadaanan ng mga behikulo; Quezon Avenue sa panulukan ng Biak na Bato na hindi na madaanan ng mga behikulo. — Ludy Bermudo, Doris Franche-Borja
- Latest




















