Himala: nakaligtas sa naghuramentadong kalabaw!
(Last part)
SUSUGURIN na ako nang naghuhuramentadong kalabaw nang umusal ako ng dasal para sa aming patron na si San Jose. Iligtas mo ako San Jose sa nagwawalang kalabaw. Iligtas mo ako!
Pagkatapos kong sambitin ang mga dasal, biglang nagbago ang naghuhuramentadong kalabaw. Mula sa pagiging mabangis ay naging maamong kalabaw ito.
Nawala ang mabalasik na anyo.
Dahan-dahan itong lumapit sa akin. Ako ay nanatiling nakahanda at baka bigla akong suwagin.
Pero maamo na ang kalabaw. Paglapit sa akin, lumuhod ito. Parang humihingi ng tawad sa ginawang paghuhuramentado kanina. Nagso-sorry sa ginawa.
Hinimas-himas ko ang ulo ng kalabaw at nanatili itong nakayuko na tila hiyang-hiya.
Nagpasalamat ako kay San Jose na aming patron. Kung hindi sa kanya, baka patay na ako sa mga tama ng suwag ng kalabaw.
Mula noon, lalo pang lumalim ang pananampalataya ko kay San Jose. Hindi ako nakalilimot sa kanya. Iniligtas niya ako sa panganib. Mula rin noon, hindi na nagwala ang aming kalabaw.
- Latest




















