Alas Girls ‘di pakakabog sa Japan

MANILA, Philippines — Kahit laglag na sa medal match ang Alas Pilipinas Girls ay ibubuhos pa rin nila ang kanilang lakas sa mga natitira nilang laban sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship.
Haharapin ng Alas Girls ang Asian powerhouse Japan ngayong araw sa Santiago, Chile.
Umukit ng history ang Nationals nang makapasok sila sa Round of 16 matapos ang five-game play sa preliminary round.
Kinaldag ng Alas Girls ang No. 8 Mexico at No 20 Tunisia dahilan para umusad sa Last 16.
Nirehistro ng Alas Girls ang 2-3 karta sapat para upuan ang No. 4 spot sa Group B nasa tuktok ang defending champion China habang nasa pangalawa at pangatlo ang Venezuela at Peru, ayon sa pagkakasunod.
Nakitaan ng tikas ang Alas Pilipinas Girls sa nakaraan nilang laban kahit natalo sila sa Asian Champion na Korea, 21-25, 18-25, 14-25 sa tatlong sets.
Huhugot ng lakas ang Alas Pilipinas Girls kina Caera Celis, Xyz Ellen Rayco, Madele Gale, Sharina Lleses, Khaira Manzano, Irish Mahinay at Nadeth Faye Herbon.
“We will give it everything we have, do our best for the team,” sabi ng opposite hitter mula sa San Felipe Neri Catholic School na si Mauricio.
- Latest
















