Gilas Boys muntikan na sa Chinese Taipei
MANILA, Philippines — Umeskapo ang Gilas Pilipinas Boys kontra sa Chinese Taipei, 89-88, sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa 2026 FIBA U18 Asian Championships kahapon sa Ahmedabad, India.
Ipinasok ni Ethan Aguas ang game-winning basket sa natitirang 2.2 segundo para sa 1-0 record ng Gilas Boys kagaya ng Australia sa Group A.
Kumamada si Aguas ng 16 points para sa Nationals, habang bumira si Jan Cagurungan ng 21 markers para sa tropa ni coach Juno Sauler na nagposte ng isang 27-point lead sa third period.
Nakabangon ang Chinese Taipei hanggang maagaw ang 88-87 bentahe sa huling 6.9 segundo ng fourth quarter matapos ang drive ni 6-foot-8 center Carter Coleman.
Kasunod nito ang nagpanalong tirada ni Aguas para sa mga Pinoy dribblers.
Nagdagdag si Prince Carino ng 9 points at 9 rebounds at tumipa si Chog Moral ng 7 points, 7 rebounds at 2 steals.
Haharapin ng Gilas Boys ang Australian bukas ng ala-1 ng hapon kasunod ang Thailand sa Lunes sa alas-4 ng hapon.
- Latest























