EDITORYAL — Problema sa basura na hindi maresolba
MATAGAL nang panahon ang problema sa basura sa Metro Manila at hanggang ngayon, ito pa rin suliranin. Kapag bumagyo at nanalasa ang habagat gaya nang nararanasan ngayon, hindi lang tubig ang dumadaloy sa mga kanal, estero at ilog. Kasama rito ay mga plastik, bote, styrofoam, sachet ng shampoo at kape, kahoy, putik, at mga basurang itinapon ng mga taong walang disiplina sa kung saan-saan.
Kaya hindi na sapat na tawagin itong simpleng problema sa disiplina. Oo, may pananagutan ang mamamayang nagtatapon ng basura sa kalsada at daluyan ng tubig. Pero kung walang maayos na basurahan, regular na koleksiyon, at malinaw na disposal system, hanggang sermon at multa lang ang magagawa ng pamahalaan.
Tama si President Ferdinand Marcos Jr.: hindi sapat ang pagpapabigat ng parusa at multa kung wala namang pasilidad para sa tamang pagtatapon. Walang gustong magmulta, pero paano susunod ang tao kung ang sistema mismo ang kulang?
Makikita ang bigat ng problema sa waterways sa Parañaque at Pasay. Tambak ang basura, barado ang daluyan, at nang bumuhos ang ulan, pati pumping stations ay naapektuhan. Ang mga pasilidad na dapat sana’y tumutulong sa paglabas ng tubig ay nawawalan ng silbi dahil basura ang unang bumabara.
Dito malinaw ang koneksiyon ng basura at baha. Hindi puwedeng flood control lang ang pag-usapan kung ang mga kanal ay natatambakan ng basura. Hindi rin puwedeng linisin lang ang estero kung kinabukasan ay mapupuno ulit dahil walang pagbabago sa koleksiyon, segregation, at enforcement.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, isang araw nililinis, kinabukasan puno na naman.
Kaya dapat buo ang sistema mula bahay hanggang landfill o waste facility. Kailangang gumana ang segregation, recycling, composting, at waste diversion.
Matagal nang sinasabi na last resort lang ang landfill, pero sa maraming lugar ito pa rin ang pangunahing solusyon. Kaya napupuno, nagiging panganib sa kalusugan, at minsan ay nauuwi sa trahedya.
Kung may waste-to-energy, dapat may mahigpit na safeguards at hindi ito dahilan para ipagpaliban ang waste reduction. Teknolohiya man ang gamitin, basura pa rin ang ugat kung hindi babawasan sa pinanggagalingan.
Dapat ding tutukan ito ng mga LGUs. Hindi puwedeng national government lang ang sisihin habang may kakulangan ang lokal na sistema.
Ang solusyon ay disiplina at sistema. Hindi puwedeng isa lang. Lutasin na ang problema sa basura.
- Latest




















