^

Punto Mo

Abandonment ba ang biglang pagre-resign dahil sa emergency?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Itinuturing po bang abandonment of duty kung nagbigay ka ng abiso ng iyong resignation sa employer isang oras bago ang iyong shift dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari, ang pagkaka-ospital ng aking kamag-anak? Pinagmulta po ako bilang penalty daw para sa abandonment of duty ayon sa aming kontrata, na ibinawas sa aking back pay. At ang back pay ko po ay inabot ng kulang-kulang na 70 days bago inilabas. — Kris

Dear Kris

Hindi abandonment ang ginawa mo.  Ang abandonment ay may tiyak na kahulugan sa ilalim ng ating batas at hindi ito maaring gamitin sa anumang sitwasyon na biglang nagre-resign ang empleyado. Ayon sa Korte Suprema sa kasong Demex Rattancraft, Inc. v. Leron (G.R. No. 204288, 08 November 2017), may dalawang elemento na kailangang mapatunayan bago masabing inabandona ng empleyado ang kanyang trabaho. Una, ang hindi pagpasok sa trabaho nang walang wasto o makatwirang dahilan. Pangalawa, ang malinaw na intensyong putulin ang ugnayan ng employer at em­pleyado. Ang karaniwang halimbawa ng abandonment ay ang basta na lamang hindi pagpasok nang walang anumang paalam o komunikasyon.

Sa iyong kaso, nagbigay ka naman ng abiso bago ang iyong shift, at hindi ka basta nawala nang walang paalam. Ang mismong pagbibigay mo ng abiso ang nagpapatunay na wala kang intensyong basta talikuran ang iyong trabaho nang walang paliwanag. Ang mas tamang paglalarawan sa nangyari sa iyo ay isang resignation na kulang sa abiso, hindi abandonment. Sa ilalim ng Article 300 ng Labor Code, ang empleyadong magre-resign ay kailangang magbigay ng tatlumpung araw na notice at maaring maharap sa pagbabayad ng daños ang empleyadong hindi nagbigay ng sapat na abiso.

Ngayon tama ba na pinagmulta ka at binawasan ang iyong back pay dahil sa iyong immediate resignation? Bago mapanagot ang empleyado, kung wala namang liquidated damages sa kanyang employment contract, kailangang maipakita na may malinaw na koneksyon sa naging perwisyo sa employer (kung mayroon man) at sa kanyang naging biglang pag-alis. Sa ilalim din ng Article 113 ng Labor Code, ang mga pagbabawas sa sahod ay pinapayagan lamang sa mga tiyak na pagkakataon na itinakda ng batas o regulasyon, o kung may nakasulat na pahintulot ang empleyado. Kahit pa nakasaad sa inyong kontrata ang penalty, kung ang batayan nito ay abandonment na hindi naman talaga naganap ayon sa pamantayan ng batas, may batayan kang kuwestiyunin ang pagbabawas sa iyong back pay.

Ang matagal naman ng paglabas ng iyong back pay ay lampas na rin sa itinakda ng DOLE Labor Advisory No. 06-20, na nagsasaad na ang final pay ay dapat ibigay sa loob ng tatlumpung araw mula sa petsa ng pagkawalay sa trabaho, maliban kung may mas maikling panahon na itinakda ng patakaran ng kumpanya o kasunduan.

Maipapayo ko na sumulat ka sa iyong dating employer upang pormal na kuwestiyunin ang ibinawas na multa at ang pagkaantala ng iyong back pay, at humingi ka ng nakasulat din na paliwanag. Kung hindi sila tumugon o tumanggi silang ibalik ang ibinawas, maaari kang magsampa ng reklamo sa DOLE sa pamamagitan ng tinatawag na Single Entry Approach (SEnA), na isang libre at mabilis na proseso ng pag-aayos ng ganitong mga usapin.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with