Technician kinatay ng mag-utol

MANILA, Philippines — Bugbog at saksak sa katawan ang tinamo ng isang computer technician na napatay ng mag-utol kamakalawa ng madaling araw sa Quezon City.
Idineklarang dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang biktima na si alyas “Ramos,” 47, may live-in partner, at residente ng Brgy. Sauyo, QC habang agad namang naaresto ang magkapatid na suspek na sina alyas “Roylyn,” 21, binata, Move-it rider, at “Erwin,” 31, security guard, kapwa residente rin ng Brgy. Sauyo, sa lungsod.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ala-1 ng madaling araw nitong Lunes (Agosto 10), nang maganap ang insidente sa covered court sa Area 5A Naval St., Brgy. Sauyo, ng nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni Pat Chrisanto Geroza ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD), sinasabing nahuli umano ng magkapatid na pumasok sa kanilang bahay ang biktima at nagtangkang magnakaw.
Dahil dito, pinagtulungan ng mga suspek na bugbugin ang biktima kung saan hinampas ng tubo ang ulo hanggang sa bumagsak ito sa semento. Hindi pa nakuntento, isa sa magkapatid ang kumuha ng kutsilyo at pinagsasaksak ang biktima saka tumakas.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ng Talipapa Police (PS 3) ng QCPD ay naaresto ang magkapatid na nahaharap sa kasong murder.
- Latest




















