SEA V Cup silver hinataw ng Alas Women

MANILA, Philippines — Pumalo si Alyssa Solomon ng 19 points para tulungan ang Alas Pilipinas Women sa 25-13, 23-25, 25-19, 33-31 pag-eskapo sa Indonesia at angkinin ang silver medal sa Leg 2 ng 6th Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Volleyball Championship kahapon sa 700th Anniversary Chiang Mai Sports Complex sa Chiang Mai, Thailand.
Ito ang best finish ng Nationals matapos makuntento sa anim na bronze medals sa nasabing seven-year, 11-leg history ng regional tournament.
Nag-ambag sina Bella Belen at Eya Laure ng tig-17 markers para sa ikalawang sunod na panalo ng tropa ni Japanese coach Taka Minowa sa Leg 2 makaraan ang 0-3 record sa Leg 1 sa Hanoi, Vietnam.
Nauna nang dinaig ng mga Pinay spikers ang Vietnam, 22-25, 25-23, 25-21, 25-22, noong Sabado matapos ang 19-25, 17-25, 19-25 kabiguan sa Leg 1 winner Thailand noong Biyernes.
Binawian din ng Alas Women ang mga Indonesians na tumalo sa kanila sa agawan sa bronze medal, 20-25, 19-25, 22-25, 16-25, sa Leg 1.
Naging dikitan ang paluan ng Alas Women at Indonesia na humantong sa 31-31 pagkakatabla matapos ang crosscourt attack ni Solomon.
Ang kill block ni Fifi Sharma kay Indonesian outside hitter Ersandrina Devega ang naglagay sa Alas Women sa 32-31 bentahe.
Si Devega rin ang nagbigay ng panalo sa Nationals matapos ang kanyang attack error.
Positibong sasalang ang Alas Women sa parating na Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan na nakatakda sa Setyembre 16 hanggang 22.
Nasa Pool B ang mga Pinay kasama ang nine-time Asian Games champion China at Kazakhstan na runner-up sa Vietnam sa 2024 AVC Nations Cup na idinaos sa Manila.
- Latest

















