‘Substandard’ na pader sa EDSA gumuho

MANILA, Philippines — Gumuho sa kasagsagan ng malakas na ulan ang isang pader sa Edsa-Ayala northbound sa tabi ng isang exclusive subdivision na pinaniniwalaang ‘substandard’ sa Makati City nitong Sabado ng gabi.
Agad namang ininspeksyon nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General
Manager Nicolas Torre III, kung saan iimbestigahan kung sino ang gumawa ng nasabing pader na ginamitan ng hardiflex sa halip na semento.
“Hindi ito semento. Hardiflex lang ito, drywall lang ito. Parang, ang nangyari dito, kung sino man ang gumawa nito, pinapalabas nila na semento, pero hindi naman pala semento,” ani Dizon.
Bumagsak ang pader sa dalawang lane ng northbound na bahagi ng EDSA at nagdulot ng pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan. Lumilitaw na dagdag o dugtong lamang ang gumuhong pader sa rati nang property wall.
“Ang kailangan nating malaman, sino at kailan dinagdag ito? At ang makakasagot nito, ang City Engineering ng Makati. So, we will investigate that together with MMDA. Kasi, delikado ito. Kung ito bumagsak, may naglalakad d’yan?” ani Dizon.
Ayon naman kay Torre, patuloy ang ginagawang clearing operations sa mga debris at ginamitan na rin ng MMDA ng extrication equipment upang putulin at alisin ang mga bahagi ng tubular at drywall ng gumuhong istraktura.
- Latest





















