^

PSN Opinyon

Ang solar eclipse nina Loren at Leandro

BARDAGULAN - Ronald M. LLamas - Pilipino Star Ngayon

Parang may sariling mundong ino-orbitan ang mag-inang Senator Loren Legarda at Congressman Leandro Leviste, isang mundong ngayon ay padilim nang padilim dahil sa kanilang self-created “solar eclipse.”

Sa halip na harapin ang nagdidilim na sitwasyon, kapwa sila dali-daling umalis ng bansa noong Agosto 2. Nagkataon lang daw. Si Loren ay may medical leave; si Leandro naman ay may sariling lakad. Ows? Talaga lang ha! Sa pulitika sa Pilipinas, alam naman natin na hindi lahat ng “nagkataon” ay basta nagkataon, lalo na’t sinabi ng Ombudsman na sasampahan sila ng mga kasong graft at plunder.

Bago nag-abroad ang mag-ina, isinailalim ng Ombuds­man sa preliminary investigation sina Loren, Leandro, at dating­ Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay ng mga ale­­gasyon ng plunder, graft, at conflict of interest sa P10.44 bilyong solar projects noong panahon ni Rodrigo Duterte.

Tatlong bagay ang nakapaloob dito: una, ang umano’y conflict of interest sa pag-apruba ng prangkisa nang walang Authority to Operate (ATO), habang chair ng Senate Finance Committee si Loren, bukod pa sa mga rebelasyon ni dating Congressman Lito Atienza. Ikalawa, ang hindi pag-deliver ng mga proyekto, na sinisingil umano ng gob­yerno ng P25 bilyon. At ikatlo, ang pagbebenta o paglipat ng prang­kisa ng proyekto.

Ayon sa Department of Energy (DOE), halos walang kuryenteng nalikha ang mga solar project na iniugnay kay Leandro. Kung mapatutunayan ang mga alegasyon, simple lang ang tanong: paano nakinabang ang ilang pri­badong interes sa mga proyektong dapat sana’y nagbigay ng malinis at murang enerhiya sa publiko? At paano nangyari na pagkatapos ng kita, taumbayan naman ang naiwan sa dilim?

Parehong itinanggi nina Loren at Leandro ang mga alegasyon. Pero bakit biglang nag-abroad? Kaya tuloy may mapanuksong hirit ang publiko: “Flight is admission of guilt.”

Hindi rin dito nagtatapos ang solar drama. May isa pang kontrobersiya: ang diumano’y planong sex-scandal entrap­ment ni Leandro kay Executive Secretary Ralph Recto. Ayon sa mga ulat, iniimbestigahan ng NBI ang alegasyong may tangkang ilagay si Recto sa isang kompromisong sitwasyon upang magamit laban sa kanya. Mabigat itong akusasyon. Kung mapatutunayan, lalo nitong palalalimin ang krisis sa kredibilidad ni Leandro at maaari pang magkaroon ng karagdagang pananagutan.

Mabilis ang pagguho ng reputasyon ng mag-ina. Si Leandro, na nagpakilalang batang boses ng oposisyon na galit sa korapsyon, ay ngayon nahaharap sa mga alegasyong siya mismo ay nakinabang sa sistemang kanyang kinokondena. Si Loren naman, matapos sumama sa Duterte bloc sa Senado, ay tila tuluyan nang nilalayuan ng anumang tiwalang minsan niyang tinatamasa sa publiko.

Kaya tunay ngang may solar eclipse sa mundo nina Loren at Leandro. Madilim sa dami ng kontrobersiya, kahina-hinala ang mga anino, at kapos na kapos sa liwanag.

Babalik kaya sa Pilipinas ang mag-ina upang harapin ang mga akusasyon laban sa kanila? Sisikat pa ba ang araw sa kanilang mundo, o patuloy silang magsusumiksik sa dilim? Abangan ang susunod na kabanata.

LOREN LEGARDA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with