QF Berth target ni Eala vs Bencic

MANILA, Philippines — Puntirya ni Alex Eala na masikwat ang tiket sa quarterfinals sa pagharap nito kay Olympic champion Belinda Bencic ng Switzerland sa WTA 1000 National Bank Open sa Sobeys Stadium Centre Court sa Toronto, Canada.
Nakatakda ang salpukan nina Eala at Bencic sa alas-8:10 ng umaga kung saan inaasahang muling dadagsain ang stadium ng mga Pinoy fans.
Malaking tulong ang isang araw na pahinga upang makarekober si Eala lalo pa’t kita na sa mukha nito ang pagod sa kanyang huling laban.
Naitakas ni Eala ang 6-3, 5-7, 6-4 panalo laban kay Caty McNally ng Amerika sa larong tumagal ng dalawang oras at 39 minuto.
Malaking dagok pa nang matapilok si Eala dahilan para tumawag ito ng medical timeout sa kasagsagan ng laban.
Gayunpaman, maayos ang kalagayan ni Eala at handa itong muling makipagbakbakan para maiwagayway ang bandila ng Pilipinas sa world stage.
Hindi biro ang labang haharapin ni Eala dahil isang beteranong player si Bencic.
“It’s going to be the first time that I’m facing her and I’m super excited,” ani Eala.
Kasalukuyan itong No. 14 sa world rankings at gold medalist sa Tokyo Olympics.
“Belinda has accomplished so much in tennis. I remember watching her win the Olympic medal, so I think I’m really excited to be on court again,” ani Eala.
Pagod din si Bencic na dumaan sa tatlong oras na laban bago patumbahin si Taylor Townsend ng Amerika sa kanilang laban, 6-7 (5), 7-6 (4), 6-4.
“I’m ready. I’m excited for another match. I’m going to do my best to recover and, you know, start again from zero,” ani Eala.
- Latest

















