Marvin, hirap magpigil kay Jolens!

Natutuwa naman sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal na hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang ang loyal supporters ng kanilang loveteam.
Matatandaang isa sa iconic loveteams ang MarJo na sumikat noong dekada ‘90s sa youth-oriented series na Gimik at mga pelikulang Labs Kita... Okay Ka Lang, Flames, the Movie at Hey Babe.
Matapos ang reunion film nilang Ex Ex Lovers in 2025, ngayon ay balik-tambalan ang MarJo, this time ay sa small screen naman. Pagbibidahan nila ang seryeng Mommy Guard ng TV5.
Sa mediacon ng Tara, Kapatid! Midyear Media and Trade Celebration ng TV5 last Thursday, ipinahayag nina Marvin at Jolina ang kanilang pasasalamat na hanggang ngayon ay nandiyan pa rin ang kanilang fans na ngayon ay mga magulang na rin.
“Natutuwa kami ni Marvin kasi ang mga nagmahal sa amin noong ‘90s ay nagmamahal pa rin hanggang ngayon at may bago na, ‘yong mga anak na nila ay minamahal na kami,” sey ni Jolens.
“Kumbaga, nakakatuwa kapag nakikita nila kami ni Marvin, yes, naaalala nila ang throwback, nostalgia, pero every time kaming magkakasama ni Marvin at mayroon kaming project na gagawin, excited kami kasi ‘yung, kumbaga, ipinapakita namin as Marvin-Jolina and as MarJo,” dagdag pa ni Momshie Jolina.
Aliw naman ang sagot ni Marvin nang matanong sila kung paano nila gina-guard ang puso nila na huwag ma-in love muli sa isa’t isa.
Pag-amin ni Marvin na ewan kung seryoso or nagbibiro, “‘yan ‘yung pinakamahirap na pinagdadaanan ko tuwing magkakatrabaho kami ni labteam. Kasi nga kanina nga lang, kumakanta lang, hirap na.”
Pero happy rin ang aktor na hanggang ngayon ay napanatili nila ni Jolina ang kanilang love for each other, gayundin ang magic ng kanilang samahan.
“Noong nagpi-pictorial nga kami at ang cute-cute namin sabi ko nga kay Jolina, ‘Alam mo ba na 50 na tayo in two years?’ But ‘yung pagmamahal tulad ng sinasabi ni Jolina, I guess ‘yon ang hindi magbabago,” aniya.
“Mahal na mahal namin ang isa’t isa, mapa-personal man o mapa-trabaho. And that’s something I guess, kaya rin ‘yung magic na... natutuwa kami na nae-enjoy n’yo whenever we perform, ay nando’n pa rin,” dagdag pa ng aktor.
Ayon naman kay Jolens, ipapakita raw nila sa kanilang reunion series ang bagong MarJo loveteam na nag-evolve na.
“Natutuwa ako kasi ‘pag nakikita nila ang Marvin-Jolina or ‘yung MarJo, talagang ando’n ‘yung saya sa puso nila at ayaw naming mawala iyon ni Marvin. Pero gusto rin naming iparamdam sa mga nanonood na ang aming samahan ay napapanahon. Kumbaga, nag-e-evolve din,” sey ng aktres.
Kasama rin ng MarJo sa Mommy Guard sina Cedrick Juan, Pearl Gonzales, Nathalie Apollo, Amo Wilding, Celyn David, Patrick Ballesteros, and Roxanne Guinoo. Directed by Roman Perez, Jr., mapapanood na ito simula ngayong Setyembre.
Jeric, na-awkward sa bagong lovelife ni Rabiya!
Inamin ni Jeric Gonzales na na-awkward siya nang malamang may bago nang boyfriend ang ex-girlfriend niyang si Rabiya Mateo.
Sinabi ito ng Kapuso actor sa latest episode ng Fast Talk with Boy Abunda nang mahingan siya ng reaksyon tungkol sa bagong BF ni Rabiya na si Jake Cuenca. “At first, parang honestly, I don’t know what to feel kasi parang awkward na your ex is nagkaroon na ng bago. Ganu’n talaga siguro yata ‘yung feeling, eh,” aniya. “Pero I realized na I should be happy for her,” dagdag niya.
Naging maganda naman daw ang paghihiwalay nila ni Rabiya at friends naman daw sila ngayon.
“I mean not ‘friends, friends’ pero we’re good friends na we can reach to each other every time na kailangan namin,” sey niya.
Sa ngayon, sey ng aktor ay single raw siya.
- Latest























