Panalo ni Alex, panalo ng Pilipinas
NAPAKABUTI ng Diyos sa Pilipinas. Habang pinaghahati-hati tayo ng matataas na lider ng ating bansa, sa pangunguna mismo ng Presidente at Bise Presidente ng Pilipinas, isang ordinaryong Pilipino ang nagbubuklud-buklod sa mga Pilipino na nasa loob at labas man ng Pilipinas.
Habang ipinipinta ng ilan sa ating mga lider ang pangit na larawan ng mga Pilipino, isang ordinaryong Pilipino ang nagpipinta ng magandang larawan ng mga Pilipino. Habang marami sa ating mga kababayan ang tila ikinahihiya ang pagiging Pilipino, isang ordinaryong Pilipino ang ipinagmamalaki sa buong mundo ang pagiging Pilipino.
Ang ordinaryong Pilipinong ito ay ang tennis star na si Alex Eala, ang bagong kampeon ng Washington DC Open, isang Women’s Tennis Association (WTA) tour-level title. Tinalo ni Alex si Jessica Pegula, na nasa rank 3 ng WTA. Dahil sa sunud-sunod na panalo laban sa mga top-seeded tennis players, si Alex ay nasa rank 20 na ng WTA. Ito ang unang WTA singles title ni Alex.
Sa tuwing may laban si Alex, libu-libong mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa na mula sa iba’t ibang kulay pulitikal ay dumaragsa sa lugar ng torneo, bitbit-bitbit ang maliliit na bandila ng Pilipinas, at bigla ay nagiging isang kulay na lamang, kulay Pilipino. Sa tuwing may laban si Alex, kasama niyang lumalaban ang buong Pilipinas. Isang dayuhang tennis official ang nagsabi tuloy na si Alex ang bagong pambansang bayani ng Pilipinas.
Lumulutang sa bawat laban ang magagandang katangian ni Alex: May tiwala sa sarili, ngunit hindi mayabang; hindi sumusuko, ngunit marunong tumanggap ng pagkatalo; may mataas na pangarap, ngunit nagpupursigi para maabot ang pangarap; kinikilala ang suporta ng kapwa Pilipino, ngunit wagas at walang pagbabalatkayo; magalang maging sa katunggali, ngunit walang bahid ng pagmamalaki. Ang lahat ng ito’y magagandang katangian ng mga Pilipino na ipinakikita ni Alex sa buong mundo sa tuwing siya’y may laban.
Popular na si Alex sa buong mundo. Sa mga dayuhan, ang pangalan na ni Alex ang ikinakabit sa Pilipinas. Dati, ang laging ikinakabit ng mga dayuhan sa Pilipinas ay korapsyon, kalamidad, extra- judicial killings, at iba pang krimen. Minsan, tinanong si Alex kung ano ang pakiramdam na maging popular. Sumagot si Alex at sinabing ang higit na akmang tanong ay, ‘‘Ano ang pakiramdam na maging isang Pilipino?’’ Pagkatapos, tumingin si Alex sa mga Pilipinong nanood ng kanyang laban at isinigaw, ‘‘Salamat, mga kababayan!’’ Lubos na ipinagmamalaki ni Alex ang pagiging Pilipino.
Marami pang haharaping laban si Alex. May pagkakataon na siya’y mananalo, may pagkakataon ding siya’y matatalo. Maraming nagsasabi na hindi magtatagal ay tatanghaling kampeon ng buong mundo si Alex sa larangan ng tennis. Sa manalo man at matalo, sa tuwing lalaban si Alex ay pagkakaisahin niya ang mga Pilipino, itataas ang dangal ng mga Pilipino, at hahamunin ang mga Pilipino na ipagmalaki ang kanilang pagiging Pilipino.
Sa panahon ngayon na tayo’y dismayado sa uri ng pamamahala, istilo ng pamumuhay, at karakter ng ating mga lider, ang pagdating ng isang Alex Eala ay parang patak ng ulan sa gitna ng disyerto. Nawa, tularan natin si Alex sa tennis ng buhay, upang maparangalan natin, hindi lamang ang sarili nating pangalan, kundi ang pangalan ng Pilipinas, ang ating lupang hinirang.
- Latest















