NLEX lalapit sa top four spot

MANILA, Philippines — Ang pang-pitong sunod na panalo at paglapit sa top four spot sa quarterfinals ang target ng NLEX sa pagharap sa Terrafirma sa PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Lalabanan ng Road Warriors ang Dyip ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang upakan ng Magnolia Hotshots at Meralco Bolts sa alas-7:30 ng gabi.
Nangunguna ang NLEX sa Group A tangan ang 6-0 baraha sa itaas ng San Miguel (5-2), nagdedepensang TNT Tropang 5G (3-3), Converge (3-4), Terrafirma (2-4), guest team Macau (2-5) at Titan Ultra (2-5).
Magkasosyo sa liderato ng Group B ang Rain or Shine (4-2) at Phoenix (4-2) kasunod ang Blackwater (3-3), Magnolia (2-3), Barangay Ginebra (2-3) at Meralco (2-4).
Tinakasan ng Road Warriors ang Dyip, 101-100, sa una nilang pagtutuos noong Hulyo 12 kung saan nakabangon ang Terrafirma mula sa isang 23-point deficit sa Road Warriors bago naimintis ni import Justin Strings ang potensyal na game-winner.
“I want us to try our best to not think about the record so much, just because there’s still so much conference left to play,” ani NLEX coach Jimmy Alapag sa pagharap nila sa Terrafirma.
Huling sinagasaan ng Road Warriors ang Tropang 5G, 88-83, habang nagmula ang Dyip sa 92-96 kabiguan sa Giant Pandas noong Hulyo 29.
Samantala, hangad ng Magnolia na makatabla sa Blackwater sa third place sa pagsagupa sa Meralco na tinalo nila sa first round, 112-98, noong Hulyo 24
- Latest

















