Blackwater nakaganti sa Phoenix

MANILA, Philippines — Nakaganti ang Blackwater kontra sa Phoenix, 106-100, upang mapatid ang tatlong sunod na kabiguan at mabuhay ang pag-asa nito sa playoffs ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Nagpakawala ng 16-7 ratsada ang Bossing upang burahin ang 77-86 na tambak sa simula ng fourth quarter at hindi na lumingon pa para makabawi mula sa 102-93 na kabiguan nila kontra sa Fuel Masters sa Round 1.
Subalit higit dito ay nakabalik sa winning column ang Blackwater bitbit ang 3-3 kartada para sa solo tersera puwesto sa likod lang ng Phoenix at Rain or Shine na tabla sa 4-2 baraha.
Bida sa comeback win ng Bossing si Kentrell Barkley na kumana ng 34 puntos at 16 rebounds sahog pa ang 3 assists, 1 steal at 2 tapal para ubusin ang bala ni BJ Johnson ng Phoenix sa ratratang duwelo.
Kumana ng 27 puntos si Johnson sa 1st half palang kung saan kontrolado ng Fuel Masters ang laban bago magkasya sa 5 puntos na lang sa krusyal na 4th quarter.
Umalalay kay Barkley sina Sedrick Barefield at RK Ilagan na may 26 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Akbayan ang 2 ace locals sa panapos na bomba ng Bossing matapos maiwan sa hanggang 15 puntos sa 3rd quarter.
May tig-8 puntos din na ambag sina James Una at Troy Malllilin para sa bigating panalo ng mga bataan ni coach Pat Aquino.
Natambakan sa hanggang 68-83 ang Bossing sa 3rd quarter at naghahabol pa sa 77-86 papasok sa 4th subalit sakto ang naipong gasolina nina Barkley, Barefield na trinangkuhan ang bulusok nila para sa dagliang 103-93 bentahe tungo sa panalo.
- Latest























