Alas Women babawi sa SEA V Cup Leg 2
MANILA, Philippines — Hindi na nag-aksaya ng oras ang Alas Pilipinas at kaagad nag-ensayo isang araw matapos dumating sa Chiang Mai, Thailand para sumalang sa 6th Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Volleyball Leg 2.
Walang naipanalong laro ang Nationals ni Japanese coach Taka Minowa sa Leg 1 na idinaos sa Hanoi, Vietnam noong nakaraang linggo.
Natalo ang Alas Women sa host Vietnam, 27-29, 17-25, 25-20, 18-25, bago sumuko sa defending Leg 1 champion Thailand, 17-25, 25-19, 15-25, 25-18, 10-15.
Minalas din ang Nationals na makuha ang bronze medal matapos yumukod sa Indonesia, 20-25, 19-25, 22-25, 16-25, sa pagtatapos ng Leg 1 ng four-team tournament.
Sa paghataw ng Leg 2 bukas ay makakatapat ng Alas Women ang host Thailand sa alas-5:30 ng hapon kasunod ang Vietnam sa Sabado sa alas-2 ng hapon at ang Indonesia sa Linggo sa parehong oras.
Ang Thailand ang kumuha ng gold medal sa Leg 1 matapos talunin ang Vietnam sa finals.
Muling babandera sina team captain Jia De Guzman, Eya Laure, Bella Belen, Vanie Gandler, Erika Santos at Alyssa Solomon na hinirang na Best Opposite Spiker sa Leg 1 sa Vietnam.
Kasama rin sina Fifi Sharma, Mars Alba, Thea Gagate, Dawn Macandili, Jen Nierva, Dell Palomata, Jasmine Jazareno, Nina Ytang at National University standouts Celine Marsh at Vange Alinsug.
Ang SEA V Cup ay bahagi ng preparasyon ng Alas Women para sa parating na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Huling nakasali ang mga Pinay hitters sa Asiad noong 2018 sa Jakarta, Indonesia kung saan sila nalaglag sa pang-walong puwesto
- Latest


















