Content creator na wala pang15-anyos, kailangan ng work permit – DOLE

MANILA, Philippines — Kailangan ng work permit ang isang wala pang 15-anyos na lumalahok sa vlogs, livestreams, digital advertisements at iba pang online content.
Ito ang ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga magulang, guardian at employer.
Nagpalabas si Labor Secretary Francis Tolentino ng Labor Advisory 12, Series of 2026, ng paalala ang mga panuntunan laban sa child labor ay saklaw din sa digital media at content creation.
Saklaw ng advisory na may petsang Hulyo 21 ang mga batang lumalahok sa mga aktibidad na pampublikong libangan o impormasyon sa tradisyonal at online media.
Sa ilalim ng Republic Act 9231, ang mga batang wala pang 15-anyos ay karaniwang hindi maaaring pagtrabahuhin, maliban kung sila ay nasa ‘sole responsibility; ng magulang o legal guardian sa isang negosyo na pawang miyembro lamang ng pamilya ang empleyado, o kung mahalaga ang kanilang partisipasyon sa pampublikong libangan o impormasyon.
Dapat kumuha ang mga employer ng permit mula sa DOLE bago kunin ang isang batang saklaw ng mga patakaran.
Kinakailangan ang working child permit kapag ang paglikha ng content ng bata o kaugnay na aktibidad ay saklaw ng Department Circular 2, Series of 2018, na namamahala sa mga permit para sa mga batang wala pang 15 na lumalahok sa pampublikong libangan o impormasyon.
Kapag ang bata ay nagtatrabaho sa ilalim ng responsibilidad ng magulang o legal guardian sa tradisyonal o online media, ang magulang o guardian ang mananagot sa ilalim ng RA 9231 at ng mga implementing rules nito.
- Latest

















