Pablo isinampa Nxled sa ika-2 sunod

MANILA, Philippines — Humataw si Myla Pablo ng 14 points para muling banderahan ang Nxled sa 25-23, 25-23, 25-20 demolisyon sa Galeries Tower sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour kahapon sa Polomolok Gymnasium sa Polomolok, South Cotabato.
Nagdagdag sina Fil-Am middle blocker MJ Phillips at EJ Laure-Cariño ng tig-siyam na marka para sa 2-0 kartada ng Chameleons.
Tumipa si setter Gel Cayuna ng 16 excellent sets para sa ratsada ng tropa ni Italian coach Ettore Guidetti.
Minalas ang Highrisers na mailista ang kanilang ikalawang sunod na panalo at nahulog sa 1-1 bagama’t nakahugot ng 13 points kay Erika Deloria at 11 markers kay Jean Asis.
May 19 excellent sets si setter Jules Coronel para sa Galeries Tower na pinahirapan nang husto ang Nxled bago natakasan sa third set.
Isasara ng Chameleons, ang tanging koponang may apat na laro sa PVL On Tour, ang kanilang kampanya sa pagsagupa sa Farm Fresh Foxies (0-1) sa Agosto 15 sa Lanao del Norte.
Haharapin ng Highrisers ang Creamline Cool Smashers sa Agosto 22 sa Victorias, Negros Occidental sa huli nilang laro sa preseason tournament.
- Latest


















