^

Punto Mo

EDITORYAL - Hindi ­nakunsumong kuryente bakit babayaran?

Pang-masa

ISA sa maganda at kapaki-pakinabang na sinabi ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ay tungkol sa system loss ng kuryente na sinisingil sa consumers. Sabi ng Presidente, hindi kasalanan ng consumer ang system loss. Kung may kuryenteng nawawala sa linya, transformer, metro, o operasyon ng distribution utility, bakit ipapasa ito sa bill ng consumer na nagbabayad nang tama?

Ito ay matagal nang itinatanong ng consumers: kung hindi namin ginamit, bakit babayaran? Ang system loss ay may dalawang uri. Una, ang technical loss, o ang natural na pagkawala ng kuryente habang dumadaloy ito sa mga linya at transformer. ­Pangalawa, ang non-technical loss, na nangyayari dahil sa pagnanakaw ng kuryente, illegal na koneksyon, sirang metro at iba pang problema sa pamamahala na puwedeng maiwasan kung maayos ang sistema.

Kaya dapat maging malinaw ang usapan. Hindi lahat ng system loss ay pandaraya. Pero hindi ibig sabihin nito na dapat laging publiko ang sumalo. Ang hindi maiiwasang pagkawala ay dapat bawasan; ang maiiwasang pagkawala ay hindi dapat ipabayad sa consumer.

Kung may nakaw na kuryente, habulin ang nagnanakaw. Kung may sirang metro, ayusin ang metro. Kung luma ang linya, i-modernize ang sistema. Kung may inefficiency sa operasyon, panagutin ang dapat managot. Hindi puwedeng ang pinakamadaling solusyon ay idagdag na lang sa bill ng lahat.

Maganda ang panawagan na amyendahan ang EPIRA para ipagbawal ang pagpapasa ng system loss charge, pati VAT nito, sa consumers. Pero dapat bantayan ang detalye ng reporma. Hindi sapat na tanggalin ang isang item sa bill kung ililipat lang ito sa ibang singil. Hindi dapat maging “tanggal-singil” sa pangalan pero “lipat-singil” sa aktuwal.

May punto rin ang ERC at distribution utilities na kailangang manatiling efficient ang serbisyo ng kuryente. Kailangan ng pondo para sa maintenance, upgrades, at infrastructure. Pero hindi dapat gamitin ang reliability bilang dahilan para panatilihin ang automatic na pagpasa ng gastos sa consumers. Ang tunay na reporma ay dapat parehong nagpoprotekta sa publiko at nagtutulak sa utilities na maging mas mahusay.

Tama rin ang paalala ng consumer groups: hindi matatapos sa system loss ang problema ng mahal na kuryente. Nandiyan pa rin ang mataas na fuel cost, imported coal at gas, pass-through charges, kaku­langan sa supply, at mabagal na paglipat sa mas malinis at mas abot-kayang enerhiya. Kung system loss lang ang tatanggalin pero mananatiling mabigat ang iba pang singil, mahal pa rin ang kuryente.

SONA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with