Kapitana, sinapak ng babaeng SK councilor
Sa gitna ng away pamilya sa barangay hall
MANILA, Philippines — Inaresto ang isang 25-anyos na babaeng konsehal ng Sangguniang Kabataan (SK) matapos naman nitong sapakin ang isang Brgy. Chairwoman sa gitna ng pagtatalo sa Brgy. Hall ng Sibonga, Cebu, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Cebu Police, nangyari ang insidente sa loob ng Brgy. Hall sa Poblacion ng Sibonga noong Huwebes ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, ipinatawag ng 52-anyos na barangay chairwoman na si Josefina Suerte ang ina ng SK Councilor na si Adelfa Aristas at bayaw nito upang maayos umano ang alitan sa kanilang pamilya.
Sa paghaharap, inamin naman ng bayaw ang kaniyang pagkakamali pero sinabi ng matanda (ina ng SK Councilor) na magbalot-balot na ang una at umalis na lamang sa kaniyang pamamahay.
Bigla namang dumating ang nasabing SK Councilorm at kinompronta ang kaniyang nasabing bayaw na nauwi sa komosyon kaya sinaway na ito ni Kapitana na pinakiusapan na umalis sa Brgy. Hall para mawala ang tensiyon.
Gayunman, sa halip na pakinggan ang Kapitana ay pinagbalingan naman umano siya ng SK Councilor na agad na sinapak sa mukha.
Dahil dito, inaresto naman ng nagrespondeng mga pulis ang nasabing SK kagawad dahil sa pananakit sa Kapitana na desididong sampahan ng kaso ang nasabing SK kagawad.
- Latest
























