Lalaki, niratrat sa loob ng computer shop

MANILA, Philippines — Isang lalaki ang patay nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek habang naglalaro ng video games sa loob ng isang computer shop sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Jun,” 40, bunsod ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan habang mabilis namang nakatakas ang mga salarin sa krimen.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa loob ng isang computer shop sa Raxabago St. sa Tondo.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang dalawang salarin na huminto sa tapat ng nasabing computer shop kung saan naroroon ang biktima.
Nang matiyak na nasa loob ang target ay kaagad na umanong bumunot ng baril ang mga ito at halinhinang pinaputukan ang biktima.
Mabilis umanong tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Raxabago corner Yuseco St. matapos ang pamamaril.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen para mahanap ang dalawang salarin at mapanagot sa krimen.
- Latest




















