Enderun isinunod ng Southern Storm

MANILA, Philippines — Pinatumba ng Australian guest team Southern Storm Melbourne ang Enderun Colleges, 25-21, 25-17, 25-27, 25-22, para sa kanilang ikalawang dikit na ratsada sa 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa malate, Manila.
Naglista si Cleopatra Anastacios ng 10 points mula sa pitong attacks at tatlong blocks para pangunahan ang Southern Storm sa paglilista ng 2-0 baraha.
Dinuplika ng mga Aussie spikers ang nauna nilang 26-24, 25-21, 25-19 pagwalis sa Colegio de San Juan de Letran Lady Knights noong Linggo.
Hinataw din ng University of Santo Tomas ang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang College of Saint Benilde, 25-22, 25-15, 15-25, 25-12, sa unang laro.
Nagtuwang sina veterans Angge Poyos, Marga Altea at Avril Bron sa pagbawi ng Golden Tigresses sa fourth set matapos masingitan ng Lady Blazers sa third frame.
Pumalo si Poyos ng 15 points bukod sa pitong excellent digs at apat na excellent receptions para sa UST sa torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Nag-ambag si Altea ng 10 points, ang pito rito ay inilista niya sa fourth set, habang may 10 markers din si Bron.
- Latest



















