2 dikit sa Golden Tigresses

MANILA, Philippines — Hinataw ng University of Santo Tomas ang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang College of Saint Benilde, 25-22, 25-15, 15-25, 25-12, sa 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nagtuwang sina veterans Angge Poyos, Marga Altea at Avril Bron sa pagbangon ng Golden Tigresses sa fourth set matapos masingitan ng Lady Blazers sa third frame.
Pumalo si Poyos ng 15 points bukod sa pitong excellent digs at apat na excellent receptions para sa 2-0 record ng UST sa torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Nag-ambag si Altea ng 10 points, ang pito rito ay inilista niya sa fourth set, habang may 10 markers din si Bron.
Ang tatlong sunod na service aces ni Altea ang nagbigay sa tropa ni coach Shaq delos Santos ng 6-0 abante sa St. Benilde na kanilang pinalobo sa 21-10.
Pupuntiryahin ng Golden Tigresses, winalis ang Enderun Colleges sa pagbubukas ng torneo noong Linggo, ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa Letran Lady Knights ngayong alas-3 ng hapon.
Bigo ang Lady Blazers na maduplikahan ang kanilang sweep sa Vietnamese guest team Ho Chi Minh City Volleyball Club para sa kanilang 1-1 marka sa torneong suportado ng Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
- Latest


















