Alas pinadapa ng Indonesia
CANDON CITY, Philippines — Nalusaw ang pangarap ng Alas Pilipinas na masilo ang titulo sa Southeast Asian Volleyball Cup (SEA V Cup) men’s division matapos nilang tumukod sa Indonesia, 20-25, 23-25, 25-27, kahapon dito sa Candon Arena, Ilocos Sur.
Kahit nawalis ay nakitaan ang mga Pinoy spikers ng determinasyon at hindi sila basta nagpadaig sa 2025 SEA V. League second leg champion na hinawakan ang No. 1 seed sa Pool B na may 2-0 karta.
Umusad sa semifinals ang Indonesia kasama ang Cambodia, 1-1.
Dalawang beses na lumamang ang Alas Pilipinas sa first set, habang muntik naman silang manalo sa second frame nang tapyasan nila sa 23-24 ang bentahe ng Indonesia.
Mas naging mabangis ang mga Pinoy spikers sa third set dahil may tsansa sanang humaba ang kanilang hiniga nang hawakan ang six-point lead, 15-9, sa event na katuwang ang Candon City sa pamumuno ni Mayor Eric Singson at suportado ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee.
Pero naubusan ng lakas ang Alas Pilipinas kaya nalasap nila ang pangalawang sunod na kabiguan at malagay sila sa battle for fifth place laban sa Myanmar.
Kumana si Joshua Magalaman ng 13 points.
- Latest


















