2 kelot dinakma sa illegal firearms, sugal
MANILA, Philippines — Dalawang lalaki ang inaresto ng Northern Police District (NPD) matapos maaktuhang umano’y nagsusugal at makuhanan ng hindi lisensiyadong baril sa isinagawang police patrol operation sa Brgy. 120, Caloocan City noong Hulyo 12.
Kinilala ng East Grace Park Police Sub-Station 2 ng Caloocan City Police Station ang mga suspek na isang 33-anyos na walang trabaho na residente ng Brgy. 120, Caloocan at isang 26-anyos na construction worker mula sa Brgy. 81, Malabon City. Naaktuhan ang mga ito na naglalaro ng ilegal na sugal na “Cara y Cruz.”
Nasamsam sa operasyon ang P1,000 na bet money sa iba’t ibang denominasyon at tatlong tig-iisang pisong barya na ginagamit sa pagsusugal.
Sa isinagawang lawful search, narekober din mula sa 33-anyos na suspek ang isang .38 caliber revolver na walang serial number at may lamang dalawang bala.
Nakakulong na sa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 o Illegal Gambling. Ang 33-anyos na suspek ay kakasuhan din ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Isasailalim ang mga kaso sa inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
- Latest





















