7 arestado sa P62.2 milyong puslit na petrolyo

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa P62.2 milyong halaga ng iligal na produktong petrolyo at isang tugboat ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa dalawang araw na operasyon sa karagatan ng Batangas.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 4A (CIDG RFU4A), CIDG Batangas Provincial Field Unit, at Batangas Maritime Police Station ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa pitong suspek na umano’y sangkot sa ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo.
Nasamsam sa operasyon ang isang tugboat na may kargang humigit-kumulang 31,199 litro ng diesel fuel, limang plastic container na may lamang diesel, at marked money na ginamit sa operasyon.
Dinala ang mga suspek at nakuhang ebidensya sa kustodiya ng CIDG RFU4A para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso habang nananatili naman sa pangangalaga ng Batangas Maritime Police Station ang nasabat na tugboat.
- Latest















