Marcoleta,’fit to travel’ na - PNP
MANILA, Philippines — Maaari nang bumiyahe si Senator Rodante Marcoleta matapos gumaling mula sa mild pneumonia at altapresyon.
Ito ang inihayag ng Philippine National Police (PNP), gayunman, mas nais nilang hintayin ang pagtatapos ng pitong araw na antibiotic treatment nito bago ito ihatid sa Sandiganbayan na ang gamutan ay matatapos sa Miyerkules.
Ayon kay Lt. Col. Benaly Bayani, hepe ng Internal Medicine ng PNP General Hospital, makakabiyahe na si Marcoleta anumang oras ngunit mas mainam na makumpleto muna ang iniinom nitong gamot para sa kanyang kondisyon sa baga.
Sinabi ni Bayani na patuloy nilang isinusumite sa Sandiganbayan ang araw-araw na ulat hinggil sa kalagayan ng kalusugan ng senador at susundin nila ang magiging desisyon ng korte.
Matatandaang dinala si Marcoleta sa PNP General Hospital matapos makaranas ng pananakit ng dibdib at batok habang isinasagawa ang booking procedure kasunod ng kanyang pag-aresto noong Hulyo 6 kaugnay ng kasong plunder.
Nagkaroon ng mild pneumonia si Marcoleta habang naka-confine bagamat stable naman ang kanyang blood pressure na nasa 130/90 batay sa pinakahuling pagsusuri.
Kapag naiharap na si Marcoleta sa Third Division ng Sandiganbayan, inaasahang maglalabas ang korte ng commitment order.
- Latest
















