18 na patay, 8 pa missing sa bagyong Inday

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 18 katao ang naitalang patay sa pamiminsala ng bagyong Inday at habagat sa rehiyon ng Mindanao matapos na tatlo pang bangkay ang narekober, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado.
Sinabi ni OCD Deputy Administrator Assistant Sec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, mula sa unang naitala na 15 nasawi, tatlong naidagdag sa death toll. Dalawa rito ay biktima ng landslide sa Bukidnon habang ang isa ay sa Lanao del Sur.
Bukod sa 18 na bilang ng mga nasawi, walo pang katao ang pinaghahanap.
Ayon naman sa PAGASA, lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Inday alas-8:20 ng umaga nitong Sabado.
Sa kabila nito, sinabi ni Alejandro na patuloy pa ring nararanasan ang southwest monsoon rains sa ilang bahagi ng bansa kaya pinang-iingat ang lahat sa banta ng mga pagbaha at landslide.
Dahil sa bagyo at habagat, nasa 112,000 pamilya o 514,000 katao mula sa 404 barangay ang naapektuhan.
Ang mga apketado sa landslides ay mula sa Region II,III, CALABARZON, Region V, VI, Negros Island Region (NIR), IX, X,X1, XI at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nasa 3,000 pamilya naman ang kinakanlong sa may 77 evacuation centers sa mga apektadong lugar habang nasa 7,000 na pamilyang nagsilikas ang nanuluyan sa mga kamag-anak at kaibigan.
Naitala rin na 153 kabahayan ang napinsala habang anim na lugar ang nawalan ng supply ng kuryente.
- Latest




















