2 mekaniko ipinatumba ni ‘kumpare’
Onsehan sa illegal drugs
MANILA, Philippines — Dalawang mekaniko ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dawalang gunmen na umano’y inupahan ng kumpare ng mga biktima nitong Hunyo 30, 2026 sa Taguig City.
Dead-on-the-spot si alyas “Jose”, 61 at “Gerald”, 26, na kapwa residente ng Brgy. Ususan, Taguig City.
Sa kuha ng spycam, isang kulay pulang kotse ang dumaan sa Amihan St., Brgy. Ususan, Taguig, noong Hunyo 30, kung saan dalawang lalaki ang bumaba at pumasok sa isang talyer na sinundan ng mga putok ng baril. Makikitang patakbong lumabas ng gate ang dalawang suspek papalayo sa lugar.
Dito na nagsagawa ng hot pursuit operation ang Taguig City Police Station (CPS) na makikita rin sa video footage na inabutan ng mga salarin sa bahagi ng C5 Road sa bahagi ng Kalayaan Avenue.
Nang maipit sa trapiko, nakita ang pagbaba ng dalawang lalaki mula sa pulang kotse saka inabandona ang sasakyan sa gitna ng kalye.
Sa loob ng sasakyan, natagpuan ang dalawang baril na hinihinalang ginamit sa krimen at OR/CR ng sasakyan at isang identification card.
Lumilitaw sa imbestigasyon na agawan ng teritoryo at maaaring onsehan sa ilegal na droga ang motibo, batay na rin sa pahayag ni PCaptain Melvin Garcia, chief investigator ng Taguig CPS.
- Latest



















